Azkals mabigat ang kalaban sa semis
MANILA, Philippines – Sinasandalan ni German/American Azkals coach Thomas Dooley ang isang linggong pahinga para manumbalik ang angas ng paglalaro ng koponan laban sa malakas na Thailand sa pagsisimula ng kanilang semifinals match-up sa 2014 AFF Suzuki Cup.
Nabigo ang Azkals na pangunahan ang Group A nang lasapin ang 1-3 pagkatalo sa host Vietnam sa pagtatapos ng Group elimination.
Dahil dito, ang National team ang makakatapat ng Thailand na nanguna sa Group B. Ang Vietnam ang makakasukatan ng Malaysia sa isa pang semis match-up.
Aminado si Dooley na mabigat na kalaban ang Thais na kaparehas ng Vietnam kung maglaro.
Natalo rin ang Azkals sa Thailand sa isang international friendly match sa 3-0 iskor ilang araw bago nagsimula ang Suzuki Cup.
“The next game is a must-win and I believe in my players that they can do it. I’m sure they will play better after a week’s rest,” wika ni Dooley sa tournament website.
Ang Rizal Memorial Football field ang siyang venue ng home game ng Azkals bago lumipat sa Thailand sa Disyembre 10.
Maging ang Thai coach na si Kiatisuk Senamuang ay nagpahayag ng paniniwalang mapapalaban sila nang husto sa pagdayo sa Manila.
Pero ang nakuhang karanasan nang nagkita sa friendly match ay makakatulong para hindi mapahiya bilang isang bisitang koponan.
Ang Thailand ay isang three-time champion ng kompetisyon pero ang huli ay nangyari noon pang 2002.
Sa kabilang banda, ang Pilipinas ay nasa ikatlong sunod na pagkakataon na nasa semifinals at handa na basagin ang mga kabiguan para makalaro sa championship sa kauna-unahang pagkakataon. (AT)
- Latest