Gadi, Alcala babandera sa B Bonanza National Open
MANILA, Philippines – Babanderahan ni many-time Open champion Toby Gadi at ng sumisikat na si Mark Alcala ang mga kalahok sa P1.5 million Bingo Bonanza National Open badminton tournament na hahataw sa Dec. 11 sa Rizal Memorial Badminton Center.
Hangad ni Gadi, dinomina ang nakaraang dalawang ranking badminton circuit ng Philippine Badminton Association, ang korona sa torneong naglalatag ng ranking points bukod pa sa P120,000 purse sa men’s singles.
Makakasabayan niya ang 15-anyos na si Alcala, nanggaling sa disenteng kampanya sa nakaraang Singapore Youth International kung saan niya ginitla ang mga top players sa rehiyon.
Kasalukuyan nang isinasagawa ang pagpaparehistro sa torneong may entry fee na P800.
Para sa detalye at online listup, bisitahin ang www.bingob.com/nationalopentournament o mag-email sa EKC [email protected].
Ang listahan ng mga players ay ipoposte sa Dec. 1 at ang draw ay nakatakda sa Dec. 5, ayon sa nag-oorganisang EventKing Corp.
Ang iskedyul ng mga laro ay ipoposte sa Dec. 7 at ang pulong ng mga team managers, coaches at players ay sa Dec. 9 sa Rizal Memorial Badminton Center.
Ang iba pang events sa torneong itinataguyod ng Bingo Bonanza at may basbas ng Philippine Badminton Association na pinamumunuan nina Vice President Jejomar Binay at sec-gen Rep. Albee Benitez, ang ladies singles, men’s at ladies doubles at mixed doubles, ayon kay tournament director Nelson Asuncion.
- Latest