Lady Blaze Spikers, Life Savers magpapatayan para sa PSL Title
MANILA, Philippines – Pangangatawanan ng Petron Lady Blaze Spikers ang pagiging numero unong koponan sa kababaihan sa pag-asinta ng panalo sa second seed Generika Life Savers sa Finals ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ganap na alas-6 ng gabi mapapanood ang klasikong engkuwentro ng dalawang mahuhusay na koponan na binubuo ng mga de-kalibreng manlalaro para matiyak na magiging mahigpitan ang bakbakan sa huling araw ng kompetisyon sa ligang inorganisa ng Sports Core at may suporta ng Air 21 My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Ang mga mahuhusay na sina Alaina Bergma, Erica Adachi at Dindin Santiago ang mangunguna sa mga pambato ng tropa ni coach George Pascua para mahagip ang kanilang kauna-unahang titulo sa liga.
Natalo ang Petron sa Generika sa limang sets sa pagtatapos ng double-round elimination, pero buo ang paniniwala ni Pascua na kaya nilang makuha ang kampeonato.
“Malakas ang Generika pero base sa mga naging laro namin ay alam na namin ang gagawin sa kanila,” wika ni Pascua na naunang nanalo sa Life Savers sa unang ikutan.
Hindi biro ang puwersa ng tropa ni coach Ramil de Jesus dahil ang mga locals ay binubuo ng mga manlalarong sinandalan ng La Salle noong namayagpag sila sa UAAP.
Bago ito ay magbabakbakan muna ang Mane ‘N Tail Lady Stallions at Foton Tornadoes sa alas-2 ng hapon para sa ikalimang puwesto at Cignal HD Lady Spikers laban sa Raiders dakong alas-4 para sa ikatlong puwesto.
- Latest