Tautuaa ibabandera ng Rising Suns vs Bakers

MANILA, Philippines – Makikita ngayon ang galing ng itinanghal na number one draft pick na si Moala Tautuaa.

Ang 6’7 Fil-Tongan ay  makakasama ng Caga­yan Valley Rising Suns na magtatangkang palawigin ang pagpapanalo sa apat na sunod kontra sa Café France Bakers sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig  City.

Ang laro ay magsisimula dakong alas-2 ng hapon matapos ang pagkikita ng Tanduay Light at Cebuana Lhuillier sa alas-12 ng tanghali.

Ang huling laro ay sa pagitan ng Jumbo Plastic Giants at Wang’s Basketball dakong alas-4 at ang mananalo ay aakyat sa 3-1 karta.

Hindi nakasama ng Ri­sing Suns si Tautuaa sa kanilang unang tatlong laro dahil kumampanya siya sa ASEAN Basketball League (ABL) sa koponan ng Malaysia Dragons na pumangalawa sa Hi-Tech Bangkok  City.

Naghatid si Tautuaa ng 12.5 puntos, 6.25 rebounds at 1.29 assists sa 24 na laro sa ABL.

Nasabi ng Fil-Tongan na masakit ang pagkatalo  na nalasap ng Malaysia sa Thailand at papawiin niya ang kabiguang iyon  sa pagtulong sa Cagayan na magkaroon ng magandang kampanya sa 12-koponang liga.

“I always step on the court looking for a title. I don’t see how this is going to be different this time,” wika ni Tautuaa.

Show comments