Raiders, Lady Spikers umalagwa
Laro Bukas
(Cuneta Astrodome)
4 pm Generika
vs Mane ‘N Tail (W)
6 pm Foton vs Petron (W)
8 pm Cignal vs Cavite (M)
MANILA, Philippines - Hindi pa rin nababawasan ang galing ni Kristy Jaeckel ngunit ang huling halakhak ang napunta sa RC Cola-Air Force Raiders nang kunin ang 25-22, 26-24, 22-25, 25-22, panalo sa Mane ‘N Tail Lady Stallions sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sina Emily Brown at Bonita Wise ay may 20 at 14 puntos para sa Raiders na umakyat sa 3-2 baraha sa ligang inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partner.
Nagpakawala si Jaeckel ng 38 hits, tampok ang 34 kills pero nadepensahan siya sa huli para sa ikatlong pagkatalo sa apat na laro ng Lady Stallions.
Wala naman naging problema ang Cignal HD Lady Spikers sa Foton Tornadoes sa 27-25, 25-14, 25-21, panalo sa ikalawang laro.
May 23 puntos mula sa 18 kills, tatlong aces at dalawang blocks si Lindsay Stalzer habang 15 puntos pa ang hatid ni Sarah Ammerman para sa Cignal na kumapit pa sa pangalawang puwesto sa 3-1 baraha.
“Alam namin na magaling siya kaya pinag-aralan namin ang ikinikilos ni Kristy. Isa lang talaga ang pinagtuunan namin sa larong ito at ‘yun ang pigilan siya,” wika ni Raiders coach Rhovyl Verayo.
Si Kaylee Manns ang nagsikap para bitbitin ang Lady Stallions nang naposasan si Jaeckel ngunit ang napalakas na atake ang nagbigay ng match point sa Raiders bago nasundan ng puntos galing kay Brown tungo sa panalo.
Naghatid ng 18 kills ang 6’2 na si Brown bukod pa sa dalawang aces. (ATan)
- Latest