MANILA, Philippines - Kilala si Freddie Roach, ang chief trainer ni Manny Pacquiao, sa pagpapatutsada sa kalaban ng Filipino world eight-division champion habang papalapit ang laban.
Sa nakaraang panayam sa kanya ay iginiit ni Freddie Roach na mas magaling ang mga sparring partners ni Pacquiao kesa kay American challenger Chris Algieri.
Ang mga nakakasabay ni Pacquiao sa sparring ay ang mga matatangkad at malalakas na sina Stan Martyniouk, Mike Jones at Viktor Postol, minsan nang napadugo ang ilong ng Sarangani Congressman sa isa nilang sparring session sa General Santos City.
Ayon kay Algieri, ang naturang patutsada sa kanya ni Roach ay paraan lamang ng five-time Trainer of the Year para maitago ang takot nito sa American fighter.
“He’s nervous,” sabi ni Algieri kay Roach sa panayam ng Hustleboss.com. “Simple as that. He’s acting out of character because he’s nervous.”
Wala namang prediksyon ang 35-anyos na si Pacquiao, itataya ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown, kundi gagawin niya ang lahat para manalo sa 30-anyos na si Algieri.
Sa kanilang laban ng 5-foot-6 na si Pacquiao sa Nobyembre 23 sa The Venetian sa Macau, China ay inaasahang gagamitin nang husto ng 5’10 na si Algieri ang kanyang height at reach advantage.
Habang nalalapit ang araw ng kanilang banggaan ay lalong nasasabik si Algieri, ang bagong WBO light welterweight titlist.
“It comes. I feel the focus and intensity increasing and that’s just how it goes in training camp. A little more eyes on the prize. The training gets more focused. You have no choice,” wika pa ni Algieri.