MANILA, Philippines – Pinatunayan ng mga batang riders na sina John Derick Farr at Arianne Dormitorio na karapat-dapat silang masama sa Pambansang koponan na lumalaban sa Asian Mountain Bike Championships sa Lubuk Linggau, Indonesia nang humakot ang dalawa ng bronze medals kahapon.
Elite competition ang karerang sinalihan ng 18-anyos na si Farr na hindi kinabahan bagkus ay lumabas pa ang tapang nito sa aktuwal na karera para makagawa ng kasaysayan sa kompetisyon.
Si Farr ay kumarera sa Downhill Elite at pumangalawa sa seeding run noong Sabado pero sa aktuwal na kompetisyon ay nakontento sa pangatlong puwesto sa dalawang minuto at 29.12 segundo.
Si Suebsakun Suk-Chanya ng Thailand ang kumuha ng ginto sa 2:27.38 habang ang Japan bet na si Kazuki Shimzu ang pumangalawa sa 2:28.85 oras.
Lalabas si Farr bilang kauna-unahang Filipino mountain biker na nanalo ng medalya sa naturang Asian Championships.
Hindi nagpahuli si Dormitorio na may 1:07.50 oras sa women junior final.
Ang Thailand at Japan din ang kumuha sa ginto at pilak sa katauhan nina Warinothorn Phetpraphan (1:04.35) at Takaho Nakashima (1:05.39).
May tsansa pa ang Pilipinas na madagdagan ang medalyang iuuwi dahil kakampanya pa si Niño Surban sa Elite Cross Country.
Ang pagsali ng Pambansang koponan ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC). (AT)