Cagayan, Systema tanaw na ang titulo
MANILA, Philippines – Dinungisan ng Cagayan Valley Lady Rising Suns ang mataas na pagtingin sa Army Lady Troopers sa inangking 25-20, 20-25, 25-21, 25-18, panalo sa pagsisimula ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference Finals kagabi sa The Arena sa San Juan City.
May 33 excellent sets si Relea Ferina Saet at hindi siya nagkaproblema sa pagpapatakbo sa opensa ng Cagayan dahil gumana ang laro ng mga imports at mga locals para wakasan ang anim na sunod na panalo ng Lady Troopers.
Higit dito, ang Cagayan ay mangangailangan na lamang na manalo pa sa darating na Linggo (Nobyembre 9) para kilalaning kampeon sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Si Wenneth Eulalio ang panorpresa ni coach Nestor Pamilar sa ikatlong sets nang naghatid siya ng mga krusyal na puntos at magandang depensa para ibalik sa koponan ang momentum.
Nauna rito, tinapos ng Systema Active Smashers ang pagdodomina sa kanila ng Instituto Estetico Manila Volley Masters nang bumangon mula sa 0-2 panimula tungo sa 21-25, 23-25, 25-19, 25-23, 16-14, tagumpay sa men’s Finals.
Sinandalan ng Systema ang lakas ni Sylvester Honrade at ang krusyal na service ace ni Angelo Espiritu para kunin ang 1-0 kalamangan sa best-of-three championship series.
Samantala, kinilala rin ng liga ang mga mahuhusay na manlalaro na nasilayan sa conference at sina Jeffrey Jimenez ng IEM at Aiza Maizo-Pontillas ng Cagayan Valley ang kinilalang MVP ng liga.
Ang iba pang nakakuha ng individual awards ay sina Salvador Depante at Maizo-Pontillas (Best Scorer), Jimenez at Jovelyn Gonzaga (Best Spikers), Honrade at Aby Marano (Best Blockers), Joshua Barrica at Chi Saet (Best Servers), Renz Ordonez at Ruby De Leon (Best Setters), at Rikko Marmeto at Shiela Pineda (Best Receivers).
- Latest