SAN ANTONIO – Umiskor si rookie Shabazz Napier ng 25 points, kasama rito ang apat na free throws sa huling minuto ng laro, para pangunahan ang Miami Heat sa 111-108 overtime victory laban sa Spurs.
Ito ang unang paghaharap ng Miami at San Antonio matapos talunin ng Spurs ang Heat sa nakaraang NBA Finals.
Nagtala si Tyler Johnson ng 17 points, habang may 16 si Andre Dawkins at tig-11 sina Danny Granger at Mario Chalmers para sa Miami (2-4).
Tumipa naman si Marco Belinelli ng 18 puntos at may 17 si Kyle Anderson para banderahan ang Spurs.
Nag-ambag naman sina JaMychal Green at Tim Duncan ng tig-11 puntos.
Sa Atlanta, kumamada si Andre Drummond ng 19 points at 14 rebounds para tulungan ang Detroit Pistons sa 104-100 panalo laban sa Atlanta Hawks sa isang exhibition game.
Nagdagdag si Brandon Jennings ng 16 points at 11 assists para sa Detroit (4-2), habang may 15 si Kyle Singler at tig-14 sina Josh Smith at D.J. Augustin.
Pinamunuan ni Jeff Teague ang Hawks (2-3) sa kanyang 16 points at 10 assists.
Sa Indianapolis, bumangon ang Pacers mula sa 14-point deficit sa fourth quarter para talunin ang Dallas Mavericks, 98-93.
Sa huling 31 segundo ay naagaw ng Indiana ang kalamangan para talunin ang Dallas.
Binura ng Pacers ang naturang double-digit deficit sa pamamagitan ng 18-3 ratsada para balikan ang Mavericks.