MANILA, Philippines - Lumabas ang kakulangan ng karanasan ng National U-17 girls volleyball team nang naisuko ang 25-21, 20-25, 25-23, 12-25, 12-15, five sets pagkatalo sa Kazakhstan sa consolation round kahapon sa 10th Asian Girls Volleyball Championship na ginagawa sa MCC Hall Convention Center sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Ginawa ng mga kasapi ng koponang ipinadala ng Philippine Volleyball Federation (PVF) at hinawakan ni Jerry Yee ang lahat ng makakaya lalo na sa deciding fifth set pero nakabitiw sila para malaglag sa battle for fifth place.
Nakatabla ang Pilipinas hanggang sa 7-all bago naipanalo ng katunggali ang sumunod na tatlong puntos para sa 10-7 iskor.
Hindi pa sumuko ang koponan at dumikit sa 12-11 bago tinapos ng dating Russian Republic ang tagisan bitbit ang tatlo sa huling apat na puntos na pinaglabanan.
Ang pangyayari ay nagtulak sa Pilipinas na harapin uli ang New Zealand para sa ikapitong puwesto sa paggtatapos ng kompetisyon ngayon.
Tinalo na ng Nationals ang Kiwis sa Pool elimination, 25-11, 21-25, 25-5, 25-14, upang magkaroon ng motibasyon para maitala ang pinakamataas na pagtatapos ng isang Pambansang koponan sa liga.
Ito na ang ikaanim na pagsali ng bansa at nalagay ang koponan sa ikawalong puwesto sa naunang limang pagkakataon.
Bumagsak sa consolation round ang Pilipinas matapos lasapin ang 15-25, 16-25, 12-25, pagkatalo sa South Korea sa quarterfinals.