MANILA, Philippines – Ginamit ng National Under 17 girls volleyball team ang unang set para makita ang laro ng India bago itinatak ang kanilang marka patungo sa 19-25, 25-11, 25-20, 25-22 panalo sa 10th Asian Youth Girls Volleyball Championship kahapon sa MCC Hall Convention Center sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng koponang inilahok ng Philippine Volleyball Federation (PVF) matapos ang makasaysayang panalo sa Australia.
Matatapos ngayon ang preliminary round at kalaban ng Pilipinas ang second seed na China para sa pangunguna sa Pool C.
Sa 2-0 marka, ang Pilipinas ay nakapasok na sa quarterfinals at ang dalawang panalo ang pinakamarami sa kasaysayan ng pagsali sa nasabing kompetisyon na inorganisa ng Asian Volleyball Confederation (AVC).
Ito na ang ikaanim na pagkakataon sa 10 edisyon na sumali ang Pilipinas at isang panalo pa laman ang naitatala ng bansa bago ang edisyong ito na nangyari noong 2008 sa Manila.
Dehado ang Pilipinas sa India dahil tumapos ito sa pang-anim na puwesto sa huling edisyon.
Pero wala silang naipantapat sa quick plays at lakas sa pag-atake ng national players para sa nakakagulat na malakas na panimula sa torneo.
Kahit nangapa sa mga dating paglahok ay hindi nawala ang Pilipinas sa top eight kaya’t malaki ang posibilidad na mangyayari ang best finish sa taong ito.