MANILA, Philippines - Tinapos ng Pilipinas ang dominasyon ng Australia nang kunin ang 24-26, 25-22, 21-25, 25-21, 15-13, panalo sa pagsisimula kahapon ng 2014 Asian Youth Girls Volleyball Championship sa MCC Hall Convention Center sa Nakhon Ratchasima,Thailand.
Nakita ang masidhing determinasyon ng mga batang manlalaro ng bansa nang bumangon mula sa 12-13 iskor upang makuha ang unang panalo sa Pool C.
Makakalaban ngayon ng koponang hawak ni coach Jerry Yee at ipinadala ng Philippine Volleyball Federation (PVF) ang India at kung manalo pa ay makakakuha na ang Pinay belles ng ticket para umusad sa quarterfinals.
Bago ang tagisang ito, may 4-0 ang karta ng Aussie team sa Pilipinas kung ang head-to-head sa ligang bukas para sa mga U-17 players ang pag-uusapan.
Pero nakatulong ang mga scouting reports na ibinigay sa koponan na sinabayan ng determinasyong makapagpasiklab para sa makasaysayang panalo.
“It’s a breakthrough win for us dahil hindi pa natin sila tinatalo,” wika ni PVF president Karl Chan.
Ang mga manlalarong nakagawa ay sina Ejiya Laure, Ezra Gyra Barroga, Rica Diolan, Justine Dorog, Christine Dianne Francisco, Maristella Genn Layug, Kristine Magallanes, Nicole Anne Magsarile, Ma. Lina Isabel Molde, Jasmine Nabor, Faith Janine Shirley Nisperos, Roselyn Rosier, Alyssa Maria Teope at Caitlin Viray.
Bago tumulak patungong Thailand, ang koponan ay nabigyan din ng pagkakataon na makaharap ang mga collegiate teams na FEU at National University sa Shakey’s V-League at ang karanasang nakuha ay nakatulong para maging matibay sa hamong hatid ng Aussie team. (ATan)