Altas lumakas ang tsansa sa Final Four
Laro Bukas
(The Arena,
San Juan City)
11 a.m. Jose Rizal
vs Mapua (jrs/srs)
4 p.m. Lyceum
vs Letran (srs/jrs)
MANILA, Philippines - Inagaw ng Perpetual Help ang ikatlong puwesto mula sa St. Benilde Blazers sa pamamagitan ng 65-62 panalo sa 90th NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Kinapos lamang ng dalawang assists si Earl Thompson para sa kanyang ikatlong triple-double sa season sa itinalang 20 points, 12 rebounds at 8 assists para ibigay sa Altas ang ika-11 panalo matapos ang 17 laro.
Kailangan na lamang ng tropa ni coach Aric del Rosario na manalo sa San Sebastian Stags sa huling laro sa Sabado para makatiyak ng playoff para sa huling upuan patungo sa Final Four.
Nabiyayaan din ang four-time defending champions na San Beda Red Lions mula sa panalo ng Altas dahil inokupahan na nila ang isang puwestong may ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four dahil hindi na aabot ang Altas, Blazers at pahingang Jose Rizal University Heavy Bombers sa 13 panalo.
Isa lamang ang bentahe ng Altas, 57-56, bunga ng triple ni Mark Romero nang kunin ni Thompson ang trangko sa laro.
Ang nangunguna sa MVP race ay nagbigay ng pasa kay Justine Alano at sa isang pang tagpo ay umiskor sa drive para ilayo ang Altas sa 65-58.
Nagtulong sina Romero at Jonathan Grey sa apat na sunod na puntos para lumapit ang Blazers sa tatlo bago napuwersa sa turnover si Thompson sa sumunod na play.
Pero ang binitiwang 3-pointer ni Romero ay sablay bago nakahablot ng offensive rebound si Thompson sa mintis ni Juneric Baloria para makapag-ubos ng mahalagang segundo ang Perpetual.
Sina Alano at Baloria ay may tig-15 puntos para punuan ang limang puntos lamang ni Harold Arboleda.
Si Romero ay may 24, habang 10 ang hatid ni Paolo Taha para sa Blazers na nakatabla sa ikaapat na puwesto ang host Heavy Bombers.
Malaki ang posibilidad na magkaroon ng tabla sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four kung maipapanalo ng Blazers at Heavy Bombers ang kanilang huling dalawang laro. (ATan)
- Latest