Juico hindi pinagsisihan ang paglahok kay Torres
INCHEON, Korea – Walang pagsisisi na nararamdaman si PATAFA president Philip Ella Juico ukol sa desisyong itulak ang partisipasyon ni Marestella Torres sa Asian Games dito.
Hindi nakapagtala ng anumang marka ang dating Southeast Asian Games queen sa long jump matapos ang foul sa tatlong sunod na lundag noong Lunes ng gabi.
Ang mga kasali ay pinatalon muna ng tatlong beses para madetermina ang unang walong jumpers na magpapatuloy ng laban para sa gintong medalya.
“Sports have many surprises,” wika ni Juico na ang tinukoy ay ang nangyari kay Torres na sinabayan pa ng pagkapanalo ng hindi pinaborang Indonesian jumper na si Maria Nathalia Londo sa 6.55 metrong lundag.
Si Thi Thu Thao Bui ng Vietnam ang pumangalawa sa 6.44m, habang si Yanfei Jiang ng China ay pumangatlo sa 6.34m.
Kaya sana ng 33-anyos na si Torres na manalo ng pilak kung napantayan lamang ang 6.47m marka nang manalo ng gold medal sa Singapore Open.
“Talagang gusto niyang manalo, hindi lang sinuwerte. The strategy was to attack, hindi lang na-execute ng mabuti,” dagdag pa ni Juico.
Hindi pa naman ito ang katapusan ni Torres dahil patuloy siyang susuportahan ng PATAFA.
Pipilitin ni Torres na makalaro sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janiero, Brazil matapos ang 2015 SEA Games.
Napahinga si Torres ng mahigit isang taon dahil sa pagbubuntis at noong Enero lamang ay nagsilang ng kanilang unang anak ni shotput artist Eleazer Sunang.
- Latest