Washington babalik sa Texters
MANILA, Philippines – Kung bibigyan ni PBA Commissioner Chito Salud ng basbas ay muling maglalaro si Jay Washington para sa Tropang Texters sa darating na 40th season ng PBA.
Dadalhin ng Globalport ang veteran forward na si Washington sa Talk ‘N Text sa pamamagitan ng isang trade.
Ang makukuha ng Batang Pier bilang kapalit ng 6-foot-7 na si Washington ay si 6’6 forward Noy Baclao kasama ang first round pick sa 2017 PBA Rookie Draft ng Tropang Texters.
Ang unang tatlong PBA seasons ni Washington ay kanyang inilaro sa Talk ‘N Text bago nai-trade sa San Miguel Beer mula sa Jayson Castro deal.
Ang Talk ‘N Text ay gagabayan ni Gilas Pilipinas coaching staff member Jong Uichico na ipinalit kay Norman Black.
Si Black, nagbigay sa San Miguel Beermen ng PBA Grand Slam, ay inilipat naman ni sportsman-businessman Manny V. Pangilinan sa Meralco kapalit ni Ryan Gregorio.
Nagtala si Washington, ang three-time Mythical First team member, ng mga averages na 15.5 points at 7.5 rebounds para sa Globalport sa nakaraang PBA season.
Si Baclao ang inaasahan namang magbibigay ng depensa sa Batang Pier ni coach Pido Jarencio.
Nagposte si Baclao, ang 2010 top overall rookie pick ng Air21 mula sa Ateneo Blue Eagles, ng mga averages na 2.5 points at 3.6 rebounds para sa Tropang Texters sa nakaraang PBA season.
- Latest