INCHEON, South Korea – Ipapakita ng softball team ang kabutihang idinulot ng tatlong buwang pagsasanay sa Amerika at ginastusan ng Philippine Sports Commission (PSC) ng P4 milyon.
“Handa na ang lahat,” wika ni coach Ana Santiago na nagkaroon ng 10-game winning streak sa mga tune-up games laban sa mga college teams sa US.
Pinalakas ang line-up ng Blu Girls sa pagpasok ng anim na Fil-Ams para gumanda ang tsansang manalo ng medalya sa kompetisyong gagawin sa Songdo LNG baseball stadium simula sa Setyembre 27.
Hinati sa dalawang grupo ang labanan at ang Pilipinas ay nakasama sa Korea, Japan, China, Chinese-Taipei at Thailand.
Single round robin ang format at ang Pambansang koponan ay sasalang sa mabigat na double-header sa Setyembre 27 laban sa Korea (11 a.m.) at kontra sa Japan (4:30 p.m.).
Ang China ang katunggali ng koponan sa Setyembre 28 bago isunod ang Taipei sa Setyembre 29 at ang Thailand sa Setyembre 30.
Tumapos ang Blu Girls sa ika-limang puwesto noong 2010 edisyon at ang pinalakas na line-up at intensibong pagsasanay ay maaaring magpasok sa koponan sa medal round.