Blatche may pag-asa pa sa Incheon
MANILA, Philippines - Tumibay ang paghahabol ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para makalaro si naturalized NBA center Andray Blatche sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Ito ay matapos ang pagliham ni international basketball body (FIBA) secretary general Patrick Baumann sa pamunuan ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC) na nagsasaad na ang naturang samahan ang siyang may pinal na desisyon patungkol sa eligibility ng isang basketball player.
Ang nasabing liham ay para kina Kwon Kyungsang, Jo Youngha at Mun Hosung, ang IAGOC secretary general, director general at director sports entries, ayon sa pagkakasunod.
“We would like to inform you that the International Basketball Federation establishes the eligibility criteria for all basketball athletes worldwide for the purpose of their participation in the national team competitions in official basketball competitions organized by or sanctioned by FIBA,” ani Baumann sa kanyang liham.
Nababahala ang FIBA dahil ang 6’11 na si Blatche ay naglaro sa idinaraos na FIBA World Cup at ang deklarasyon ng IAGOC na ineligible player ito sa Asian Games ay magdudulot lamang ng kaguluhan.
Dahil dito, hiniling pa ni Baumann sa IAGOC na baguhin ang desisyon kay Blatche.
Ang pagpasok ni Blatche ay tiyak na magpapatibay sa tsansa ng National team para sa gintong medalya sa pinaka-popular ng sports sa Pilipinas.
Ang FIBA ang ikalawang international body na naglabas ng desisyon patungkol sa eligibility sa Asian Games matapos ang International Tennis Federation.
Dahil sa paghayag ng ITF na sila ang namamahala sa eligibility screening ng mga tenista, kaya’t makakalaro para sa National team si Fil-German Katharina Lehnert.
- Latest