Wushu team palaban sa medalya sa Incheon
MANILA, Philippines - Hindi magiging hadlang para sa wushu team ang pagpapadala ng halos bagong koponan para sandalan ng medalya sa Incheon Asian Games.
Tanging si Daniel Parantac ang masasabing beterano sa anim na atleta na bubuuin pa nina Francisco Solis, Jean Claude Saclag, Clemente Tabugara Jr., Evita Elise Zamora at Divine Wally.
Si Parantac na isang Myanmar SEAG gold medalist ay naglaro sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China sa taolo pero hindi pinalad na nagmedalya.
Siya lamang ang pambato sa taolo dahil ang ibang atleta ay sa sanda (sparring) lalaban.
Ang wushu ay isang priority sport ng PSC dahil palaging naghahatid ng karangalan sa bansa.
Noong 2006 sa Doha, Qatar pumaimbulog ang Pilipinas sa wushu nang nanalo ng ginto si Rene Catalan. Pero noong 2010 ay isang bronze na lamang ang naiuwi ng delegasyon na hatid ni Mark Eddiva sa sanda.
Bagito man sa Asian Games ay beterano na rin ang mga sanda artists sa malalaking kompetisyon at sina Saclag at Zamora ay nakasungkit ng bronze medals sa 2013 World Wushu Championships sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Si Clemente ay isang bronze medalist sa 2013 Asian Junior Wushu Championships sa Manila, si Solis ay isang quarterfinals ng 2011 World Championships sa Turkey habang si Wally ay nanalo ng bronze medal sa Myanmar SEAG.
Ang wushu ay gagawin mula Setyembre 20 hanggang 24 at 15 gintong medalya ang nakataya sa kompetisyon.
- Latest