Donaire, Walters may pakay sa isa’t isa

MANILA, Philippines - Pareho nilang pinabagsak si dating Armenian world flyweight champion Vic ‘The Raging Bull’ Darchinyan.

Ngayon ay sila naman ang mag-uunahang patumbahin ang isa’t isa.

Lalabanan ni World Boxing Association (WBA) featherweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. si Nicholas Walters sa undercard ng laban nina world middleweight king Gennady Golovkin at Marco Antonio Rubio sa Oktubre 18 sa StubHub Center sa Carson, California.

“We were committed to making this a strong show and this is a solid fight to get things started on TV,” sabi ni promoter Tom Loeffler. “HBO really liked this fight and we agreed.”

Wala pang pormal na pahayag si Donaire hinggil sa laban niya kay Walters.

Si Donaire, hinirang na 2012 Fighter of the Year, ay nagdadala ng 33-2-0 win-loss-draw ring record kasama ang 21 knockouts, habang taglay ni Walters ang malinis na 24-0-0 (20 KOs).

Inangkin ni Donaire, tubong Talibon, Bohol, ang WBA featherweight title matapos ang kanyang technical decision victory laban kay Simpiwe Vetyeka noong Mayo 31 sa Macau, China.

Sa nasabi ring boxing card pinatumba ni Walters si Darchinyan sa fifth round.

Ito ang ikaapat na sunod na KO victory ni Walters at ika-10 sa huli niyang 11 laban.

Dalawang beses namang pinabagsak ni Donaire si Darchinyan sa kanilang dalawang ulit na paghaharap.

 

Show comments