Ika-7 asam ng Altas, Blazers
MANILA, Philippines - Ikapitong panalo ang kapwa aasintahin ng Perpetual Help Altas at St. Benilde Blazers sa magkahiwalay na laro sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kalaban ng Altas ang inspiradong Letran Knights sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng pagkikita ng Blazers at Lyceum Pirates at ang makukuhang panalo ay magpapanatili rin sa Perpetual at St. Benilde sa ikatlong puwesto.
Tinalo ng tropa ni coach Aric del Rosario ang Knights, 85-82, sa unang pagtutuos habang ang bataan ni coach Gabby Velasco ay humirit ng 86-77 panalo sa Pirates.
May 4-6 karta ang Knights at tiyak na bibigyan ng matinding laban ang Altas bunga ng magkasunod na panalo sa San Beda Red Lions at Jose Rizal University Heavy Bombers.
Galing si Mark Cruz sa paglista ng career-high 26 puntos sa 84-77 overtime panalo sa JRU at muling makikipagtulungan kina Kevin Racal at Rey Nambatac.
“Kailangang hindi magpabaya dahil mataas ang morale ng Letran,” babala ni Altas coach Aric Del Rosario.
Ang mga napili sa PBA Rookie Draft na sina Juneric Baloria at Harold Arboleda ay makikipagsanib puwersa kay Earl Scottie Thompson at Justine Alano upang gumanda pa ang laban ng Altas sa Final Four.
Sina Paolo Taha at Mark Romero na napili rin sa PBA drafting, ang babandera naman para sa Blazers upang makadalawa sa Pirates.
- Latest