Suzuki Phoenix riders handa na sa haharaping hamon

Inaasahang makakamit ni Suzuki Phoenix YRS ri­der JC Rellosa ang tatlong titulo bukod pa sa pos­ibleng ikaapat sa 2014 National Road Racing Championship.

MANILA, Philippines - Handang-handa na ang Suzuki Phoenix YRS Ra­cing team na ibuhos ang galing sa huling karera sa 2014 National Road Racing Championship sa Ynares Sports Complex sa Antipolo City ngayon.

Sina James Mendez, Enzo Rellosa at team captain MJ Altamira ang mga sinasandalan para magkaroon ng makinang na pagtatapos ang mga riders ng Suzuki team.

Palaban si Mendez sa Open 4 Stroke Underbone Class dahil may 63 puntos siya at kapos lang ng 14 puntos sa nangungunang si Arlan Dela Cruz (77).

Sina Mendez (70), Rellosa (53) at Altamira (52) ang mga nagbabalak na hiyain ang nangungunang si Victor Laude (92) sa 160 Automatic Expert Class habang sina Rellosa (95), Mendez (81), Altamira (48) at kakamping si Eljin Lobarbio (33) ang nasa unang apat na puwesto sa prestihiyosong MBF Cup 115 Sports Production.

Si JC Rellosa na nangunguna sa tatlong kategorya na Super Stock 115, Suzuki Raider J-Fi Cup at Automatic 160 Class C category ay inaasinta ang ikaapat na titulo sa Suzuki Nex 115 One-Make Race dahil nasa pangatlong puwesto siya papasok sa labanan ngayon.

Ang mga mananalo sa karerang suportado ng Suzuki Philippines, Phoenix Petroleum, YRS Motorcycle Inc., Spyder Helmets, RK Chains, Vee Rubber, Holex Tools, Imarflex at Imola Racing ay ipadadala sa Asia Cup of Road Race Championships sa Thailand at Taiwan.

 

Show comments