Ph U-21 napasama sa mabibigat na kalaban
MANILA, Philippines - Makakasama ng Philippine Under-21 football team ang dating kampeon Thailand at palabang Myanmar sa 5th Hassanal Bolkiah Trophy mula Agosto 9 hanggang 23 sa Brunei.
Nasa Group A ang Pilipinas at minalas na makakasama ang 2005 at 2007 champion Thailand at Myanmar bukod sa Laos at Timor Leste.
Ang nagdedepensang kampeon Brunei ay nasa Group B kasama ang 2012 runner-up Indonesia, Vietnam, Singapore, Malaysia at Cambodia.
Ang pagsali ng Pilipinas na hahawakan ni Australian World Cupper Jim Fraser ay bilang bahagi ng preparasyon ng bansa para sa 2017 SEA Games.
Nasa Singapore ngayon ang Pambansang koponan para sa pagsasanay at kagabi ay hinarap ang Singapore U-21 team sa Yishuan Stadium sa Singapore.
Sumali rin muna ang koponan sa HBT na ikinokonsidera bilang premier U-21 tournament sa Southeast Asia.
Matapos ang pagsasanay sa Singapore, ang koponan ay babalik sa Manila para sa isa pang Camp kasama ang mga senior players tulad nina Jason de Jong at Patrick Deyto na kasapi ng Azkals.
- Latest