Iran tinalo ang chinese Taipei para sa titulo: Lee ibinigay sa Gilas ang 3rd place
MANILA, Philippines - Ito ang unang international tournament ni Paul Lee para sa Gilas Pilipinas.
At hindi niya rin ito basta-basta makakalimutan.
Nagsalpak si Lee ng tatlong mahalagang free throws sa natitirang tatlong segundo para itakas ang Gilas Pilipinas kontra sa China, 80-79, at angkinin ang third place trophy ng 5th FIBA-Asia Cup sa Wuhan Sports Centre sa Wuhan, China kagabi.
Nanggaling ang Nationals sa 55-76 kabiguan sa Iranians sa semifinals noong Biyernes.
Matapos ang dalawang mintis na free throws ni Zirui Wang sa huling 11 segundo ay nakahugot naman ng foul si Lee kay Kelanbaike Makan sa nalalabing 0.3 segundo sa three-point line.
Kalmadong isinalpak ni Lee ang tatlong charities para ipanalo ang Gilas Pilipinas sa China.
Nauna nang kinuha ng Chinese ang 79-77 bentahe mula sa dalawang free throws ni Makan sa huling 46 segundo.
Pinangunahan ni Ranidel De Ocampo ang Nationals sa kanyang 18 points, tampok dito ang 3-of-3 shooting sa 3-point range, kasunod ang 14 ni Japeth Aguilar, 12 ni LA Tenorio at tig-10 nina naturalized center Marcus Douthit at Beau Belga.
Tumapos si Lee na may 9 markers.
Sa huling edisyon ng FIBA-Asia Cup noong 2012 ay pumuwesto ang koponan sa pang-apat.
Sa labanan para sa korona, ipinagpatuloy ng Iran ang kanilang dominasyon sa torneo matapos talunin ang Chinese-Taipei, 89-79, sa kanilang finals match.
Ginamit ng Iranians, nauna nang giniba ang Nationals sa semifinals, 76-55, ang kanilang laki at taas para paluhurin ang mga Taiwanese.
Para makaharap ang Iran sa finals ay kinailangan naman ng Chinese-Taipei na talunin ang China, 84-73, sa semifinals.
Gilas Pilipinas 80--De Ocampo 18, Aguilar 14, Tenorio 12, Douthit 10, Belga 10, Lee 9, Lanete 3, Washington 2, Dillinger 2, Alas 0, Fajardo 0, David 0.
China 79 - Makan 23, Gao 11, Tao 11, Zhou 10, Wang 9, Gu 7, Zhang 6, He 2, Dong 0, Cao 0, Duan 0.
Quarterscores: 15-24; 38-44; 60-62; 80-79.
- Latest