Aksyon sa NAASCU mas matindi sa pagpasok ng PCU
MANILA, Philippines - Asahan na mas magiging kapana-panabik ang aksyon ng 2014 National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) dahil sa pagpasok ng isang dating kampeon sa NCAA.
Tinanggap na ang aplikasyon ng Philippine Christian University para maging bagong koponan na magpapakitang-gilas sa 14th season na magbubukas sa Agosto 12 sa Makati Coliseum.
“Noong May nag-signify ang PCU na sasali sa NAASCU sa pamamagitan ni coach Loreto Tolentino na consultant ng team. Inaksyunan ito ng board at sila na ang ninth team sa liga,” wika ni Dr. Jay Adalem ng host St. Clare College-Caloocan na siya ring Chairman Emeritus at founder ng NAASCU sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Ang Dolphins na hahawakan ni Elvis Tolentino ay kampeon sa NCAA noong 1984 at siyang pinagmulan nina Jayson Castro, Gabby Espinas at Rabeh Al-Hussaini na ngayon ay naglalaro sa PBA.
Pero nawala ang Dolphins sa pinakamatandang collegiate league sa bansa dahil nadiskubre na maraming manlalaro na nakalusot gamit ang tiwaling dokumento.
Kumpiyansa naman si Adalem, treasurer din ng Samahang Basketbol ng Pilipinas at secretary general ng Philippine Handball Federation Inc., na hindi mangyayari ito sa kanilang liga dahil sa mahigpit na proseso ng screening committee na hinihingi rin ang dokumento mula NBI ng student-athlete bilang isa sa kanilang requirement.
Ang Centro Escolar University ang siyang nagdedepensang kampeon.
Kabilang din sa mga kalahok ang Our Lady of Fatima University, New Era University, City University of Pasay, Rizal Technological University at Polytechnic University of the Philippines.
Ang Lyceum Subic Bay ay magbabalik din matapos magpahinga noong nakaraang taon habang ang University of Makati ay nagpahayag ng interes na sumali uli sa liga.
Idinagdag pa ni Adalem na 10 sports ang lalaruin sa taong ito at bukod sa basketball, isasagawa rin ang aksyon sa track and field, swimming, volleyball, chess, badminton, taekwondo, table tennis, billiards at cheerdance. (AT)
- Latest