Bulls naisahan ang Heat sa OT; Lakers giniba ang Thunder

Pumapalakpak si Jodie Meeks ng Lakers matapos sorpresahin ang Oklahoma City habang tila nanlupaypay si Kevin  Durant sa kanang  larawan.

 CHICAGO - Kumolekta si center Joakim Noah ng 20 points at 12 rebounds, habang nagdagdag ng 22 points si D.J. Augustin para sa 95-88 overtime win ng Bulls laban sa Miami Heat.

Ang panalo ng Bulls sa Heat ay tinampukan ng supalpal ni Butler kay LeBron James sa pagtatapos ng regulation.

“I want what they have - a championship,” sabi ni Noah. “One day, we’re going to have to get through those guys.”

Tumapos si Butler na may 16 points at 11 rebounds at matagumpay na nabantayan si James.

Nagtala naman si Dwya­ne Wade ng 25 para sa Miami na natikman ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan, ang pinakamahaba nila sa season.

Kumabig si James ng 17 points mula sa 8-of-23 shooting at nabigong bigyan ng puntos ang Miami matapos maibasura ang itinayong 12-point lead.

Sa Los Angeles, humugot si Jodie Meeks ng 24 sa kanyang career-high 42 points sa second half para ihatid ang Los Angeles La­kers sa 114-110 tagumpay kontra sa Oklahoma City, 114-110, sa kabila ng triple-double ni Thunder star Kevin Durant.

Nagposte si Pau Gasol ng 20 points at 11 rebounds para sa Lakers, naipatalo ang kanilang 29 sa unang 37 laro.

Kumonekta si Meeks ng 11 of 18 fieldgoals at perpektong 14 for 14 sa foul line para maging ikatlong player na nakapagtala ng 30-point mark ngayong season para sa kulelat na Los Angeles (22-42).

Nagsumite si Durant ng 27 points, 10 rebounds at 12 assists para sa kanyang pangatlong triple-double ngayong season para sa Thunder.

Sa Dallas, tumipa sina Devin Harris at Monta Ellis ng tig-20 points para ihatid ang Mavericks sa 105-94 panalo kontra sa Indiana Pacers.

Ipinatikim ng Mavericks, nanggaling sa three-game losing skid, sa Pacers ang pang-apat na sunod nitong kabiguan sa season.

Show comments