Bilang paghahanda kay Bradley 3 sparmates na magkakaiba ang lakas ka-suntukan ni Pacquiao

Nagsanay na sina Manny Pacquiao at Freddie Roach sa Wild Card Gym.  

MANILA, Philippines - Tatlong sparmate na may kani-kanilang lakas at katangian ang siyang ma­ka­kabugbugan ni Manny Pacquiao sa paglipat ng kan­yang pagsasanay sa Wild Card Gym mula nga­yong araw.

Ang mga dating world champions na sina Kendall Holt at Steve Forbes ay ki­nuha uli ni trainer Freddie Roach bukod pa kay Speedy Gonzales

Lumipad si Pacquiao patungong US noong Sabado at may limang linggo pa siya para mapaghandaan ang rematch nila ni WBO welterweight champion Ti­mothy Bradley na gagawin sa Abril 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.

Sa paglapag pa lamang sa airport at ibinulalas agad ng Pambansang kamao ang kasabikan na maitaas pa ang pagsasanay sa Wild Card gym.

“I can’t wait to begin training at Wild Card. I have really missed it,” pahayag ni Pacquiao.

Hindi naman siya ma­bibigo sa hanap na matin­ding ensayo dahil sa mga sparmates na tutulong sa kanyang preparasyon para bawian si Bradley.

Noong 2012 unang nagsukatan sina Pacquiao at Bradley at nanalo ang huli sa pamamagitan ng kontrobersyal na split decision.

Si Holt na tinalo na ni Bradley, ay nakahanda na makipagpalitan ng mala­la­kas na suntok kay Pacquiao bukod pa sa kakayahan na tularan ang ikinikilos ng WBO champion.

Hahasain ni Forbes at diskarte sa ring ni Pacquiao dahil isa itong mautak na boksingero habang bilis sa ibabaw ng ring ang puwedeng itulong ni Gonzales.

Nauna nang nakipag-sparring si Pacquiao kay Llydell Rhodes at ang wa­lang talong boxer ang nagpapatotoo na nasa magandang kondisyon na si Pacman kahit mahigit isang buwan pa gagawin ang labanan.

“He’s a complete fighter. He has the speed, po­wer and brain. He’s a flyweight who punches like a middleweight,” pahayag ni Rhodes.

 

Show comments