Matumal ang ginto Cordova isinalba ang Team Phl

NAY PYI TAW-Isinalba ni rower Nestor Cordova ang sana’y kawalan ng ginto ng Pilipinas sa 27th SEA Games kahapon  nang manalo ito sa paboritong men’s single sculls na pinag­labanan sa Ngalite Dam dito.

Si Cordova ay naorasan sa 2000-metro karera ng pitong minuto, 49.38 segundo para manaig sa host Myanmar na kinatawan ni Aung Ko Min (7:49.68) at Memo Memo ng Indonesia (8:03.61).

Ang ipinakita ng 36-an­yos na rower at 2007 SEAG gold medalist sa nasabing event ang nagsantabi sa mga kabiguang inabot ng ibang manlalaro na lumaban.

Pinakamasakit na kabiguan ay ang nalasap ng men’s 9-ball  nang tangga­pin ni Dennis Orcollo ang 8-9 kabiguan kay Nitiwat Kanjanasri ng Thailand sa quarterfinals.

Shutout ang Pilipinas sa event na kung saan ang bansa ay isa sa paborito dahil naunang namaalam si Carlo Biado kay Burmese cue artist Aung Mou Thu, 6-9, sa unang round.

Hindi rin nadugtungan ng mga ipinanlaban sa athletics at cycling ang magandang panimula.

Si Narcisa Atienza ay nagkaroon ng 5,241 puntos sa heptathlon pero sapat lamang ito para sa pilak.

Ang ginto ay napanalunan ng nagdedepensang kampeon na si Wassana Winatho ng Thailand sa 5,556 puntos.

Hindi rin kinaya ni Eric Paniqui na sabayan ang hamon ng Singaporean na si Yin Ren Mok at Thaung Aye ng Myanmar matapos malagay lamang sa ikatlong puwesto sa men’s marathon sa 2:30:30 oras.

Hindi rin nasundan ni­na Arnold Marcelo, John Renee Mier, Alfie Catalan at Jan Paul Morales ang panalong naunang ibinigay ni Mark Galedo sa cycling nang tumapos lamang ang apat na ito sa pang-anim na puwesto sa 100km. Team Time Trial.

Ang women’s basketball team ay nagkaroon ng pilak nang durugin ng koponang hawak ni coach Haydee Ong ang host Myanmar, 80-31, pero ang mga pa­laban sa archery na sina Earl Benjamin Yap at Delfin Adriano ay nasibak sa semifinals at si Yap ang kumuha ng bronze nang talunin sa shootout ang kakampi sa Pambansang koponan.

Dahil sa nangyari, ang Pilipinas ay mayroon pa lamang na 12 ginto bukod sa 17 pilak at 23 bronze medals at nanatiling nasa ika-pitong puwesto pa rin sa overall standings.

 

Show comments