LeBron dumating na sa Pilipinas

MANILA, Philippines - Dumating na sa bansa kahapon si Lebron James ng Mia­mi Heat para sa isang public appearance handog ng Nike.

Nagmula sa paggiya sa Heat sa ikalawang sunod na NBA championship matapos talunin sa Finals ang San An­tonio Spurs, dumating ang four-time NBA Most Va­lua­ble Player sa Ninoy Aquino International Airport ga­nap na alas-5:40 ng hapon.

“Just landed,” sabi ng isang staff ng Ogylvy, ang public re­lations firm ng Nike sa Pilipinas.

Isang press conference ang dadaluhan ni James nga­yong tanghali sa Shangri-La Hotel sa Makati City bago siya dumiretso sa Nike Park sa Bonifacio High Street sa Taguig City sa alas-2 ng hapon.

Magtutungo siya sa MOA Arena sa Pasay City sa alas-4 at aalis ng bansa bukas ng umaga.

Dalawang beses hinirang si James bilang Finals MVP, tatlong ulit na kinilalang regular season MVP at naging mi­yembro ng All-Star ng siyam na beses kung saan siya nanalo ng dalawang All-Star MVP trophy.

Ang katawan ng 28-anyos na si James ay maikukumpara kay NBA legend Dominique Wilkins, habang ang kanyang pagpasa ay maihahalintulad kay NBA great Magic Johnson.

 

Show comments