Ika-14 sunod na panalo lalagukin ng San Miguel Beer vs Thailand Slammers

Laro Ngayon

( Ynares Sports Arena, Pasig City)

5 p.m. San Miguel Beer vs Sports Rev Thailand Slammers

MANILA, Philippines - Palawigin sa 14-sunod ang pagpapanalo ang natatanging nakataya sa San Miguel Beer sa pagharap sa Sports Rev Thailand Slammers sa ASEAN Bas­ketball League (ABL) ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Matapos ang 70-66 panalo sa Indonesia Warriors noong nakaraang Biyernes sa nasabing palaruan, ang Beermen ay hinawakan na ang home court advantage sa Playoffs ng regional basketball league sa 16-3 baraha.

Ngunit wala sa plano ni Beermen coach Leo Austria na mag-relax dahil kailangan nilang mapanatili ang porma upang hindi madiskaril ang laban sa Playoffs.

“We have to gain the more momentum and confidence into the Playoffs. We have to continue to push ourselves in our next games,” wika ni Austria.

Sasandal siya kina Justin at Brian Williams, Asi Taulava, Val Acuna at Leo Avenido bukod pa sa mahusay na pagdadala ni Paolo Hubalde na hinalinhinan ang puwestong binakante ni Chris Banchero dahil sa injury.

Si Banchero ay inaasahang babalik sa koponan sa huling laro laban sa Malaysia Dragons sa Mayo 18.

Must-win naman ang Slammers para manatiling nakaangat sa Singapore Slingers sa tagisan ng dalawa para sa ikaapat at huling puwesto na makakaiwas sa maagang bakasyon.

May 7-12 karta ang Slammers laban sa 7-13 ng Slingers, sina Froilan Baguion at mga imports Christien Charles at Darrius Brannon ang magdadala ng laban sa bisitang koponan.

Show comments