ABAP kay Bornea aasa ng unang ginto sa Olympics
MANILA, Philippines - Ang paghablot ng bronze medal ni Jade Bornea sa AIBA World Youth Boxing Championships sa Armenia ang nagbibigay liwanag na inaasahang sa boxing magmumula ang kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa Olympics.
Hindi ganoong makinang ang 2012 sa Amateur Boxing Association of the Philippines nang walang iba pang boksingero ng bansa ang nakausad sa London Olympics.
Si Charly Suarez ang namuro na maging ikalawang boksingero ng bansa sa London nang pumasok sa finals sa lightweight division sa Asian Olympic Qualifying tournament sa Astana, Kazakhstan. Pero sadyang mapait ang tadhana kay Suarez nang lumasap ng kontrobersyal na 11-15 pagyukod kay Liu Qiang.
Bago ang men’s team ay ang kababaihan muna ang nagtangka pero si Nesthy Petecio na siyang ibinala ay natalo din agad.
Isinalba lamang ni Josie Gabuco ang sana’y bangungot na laban sa World Women Boxing Championship sa Qinhuangdao, China nang kanyang pagkapanalo sa light flyweight division laban sa Chinese pug Xu Shiqui.
Makasaysayan ito dahil ito pa lamang ang kauna-unahang ginto ng Pilipinas sa isang World Championship, kasama na ang sa kalalakihan.
Kahit sa London Games ay hindi rin naging maganda ang resulta dahil lumabas ang kakulangan sa karanasan ni Mark Anthony Barriga para sumuko sa kanyang ikalawang laban kontra kay Birzhan Zhakypov ng Kazakstan sa dikitang 16-17 iskor.
Pero hindi lahat ay hinagpis sa men’s team dahil kay Bornea na isinabak sa kanyang kauna-unahang international tournament.
Bagama’t world event, hindi kinilabutan bagkus ay tila dagdag hamon ito kay Bornea upang ipakita ang husay sa paglaban.
Umabante siya sa quarterfinals at tinalo si Jake Bateson ng England para sa bronze medal. Natapos lamang ang laban nang matalo siya sa mas beteranong si Murudjon Akhmadaliev ng Uzbekistan sa semifinals, 15-24.
Iba ang kulay ng bronze sa ginto pero ang medalyang ito ni Bornea ay patunay na marami pang bata pero mahuhusay na handang ilabas ng ABAP sa hinaharap.
Sa pamamagitan nina Barriga at Bornea na siya ngayong mukha ng boksing, makakaasa ang lahat na ang ABAP ay patuloy na kikilos upang ibigay sa mga batang boksingero ang pag-aaruga upang maabot ang mithing tagumpay sa susunod na Olympics.
- Latest