Pacquiao, Marquez negatibo sa droga - NSAC
MANILA, Philippines - Hindi gumamit ng ipinagbabawal na droga si Juan Manuel Marquez habang nagsasanay para sa ikaapat na tagisan nila ni Manny Pacquiao noong nakaraang Linggo na nauwi sa 6th round knockout na panalo ng Mexican fighter.
Ito ang lumabas sa post fight drug test na isinagawa ng Nevada State Athletic Commission (NSAC) para patunayan ni Marquez na malinis ang kanyang ginawang pagsasanay na ikinaresulta sa paglaki ng kanyang katawan.
Wala ring nakitang ipinagbabawal na gamot kay Pacquiao
“Steroid and drug test results came back negative for all prohibited substances for Pacquiao and Marquez,” wika ni NSAC Executive Director Keith Kizer.
Naunang pinagdudahan si Marquez na gumamit ng ipinagbabawal na gamot dahil sa pagkuha sa kontrobersyal na strength and conditioning coach Angel Hernandez.
Si Hernandez na nakilala rin bilang si Angel “Memo” Heredia ay umamin noon na nagpapagamit ng mga performance enhancing drugs para sa kanyang mga hinawakang atleta sa pangunguna na ni Olympian Marion Jones.
Lumaki ang katawan ni Marquez pero tumimbang lamang siya ng 143 pounds sa tagisan nila ni Pacquiao at kasama sa kumuwestiyon sa pangangatawan ng 39-anyos na Mexicano ay si trainer Freddie Roach.
Nauna na ring pinabulaanan ni Marquez na gumamit siya ng droga at hinamon ang mga bumabatikos na isailalim siya sa drug test.
Ang paglabas ng resulta sa pagsusuri ang tatapos na sa usaping ito.
Samantala, sinabi ni Hernandez na bukas si Marquez sa posibleng ikalimang paghaharap nila ni Pacman at kung papayag ang Sarangani Congressman, ito ay magaganap sa Setyembre ng 2013.
At habang nag-aantay, sasabak muna si Marquez sa magagaang na laban sa Hunyo.
- Latest