‘Di ako aatras sa rematch’ Pacman ayaw magretiro

MANILA, Philippines - Hindi uurungan ni Man­ny Pacquiao si Juan Ma­nuel Marquez kung ito ang madedesisyunan ng Top Rank na kanyang magiging laban sa 2013.

“Yes, I would like to fight him again. If that is what Top Rank wants, I will fight him again,” pahayag ni Pac­man.

Ang pahayag na ito ni Pacquiao ay kontra sa panawagan ng kanyang ina na si Aling Dionesia at asawang si Jinkee na tumigil na sa pagbo-boxing matapos lasapin ang sixth round knockout na pagka­talo kay Mexican fighter noong Linggo sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.

“I will be back to fight,” wika ni Pacquiao upang ipakita na kaya niyang bu­mangon at manalo pa matapos ang masakit na kabiguan.

Inamin din niyang tunay siyang natalo kay Marquez dahil naging pabaya kaya tinamaan ng counter right.

“I want to congratulate Juan Manuel. I have no excuses. It was a good fight and he deserved the victory,” pag-aamin pa ng da­ting pound for pound king.

Pero hindi ito manga­nga­hulugan na matatakot na siya na harapin ito dahil game niyang sukatin uli ang mortal na karibal kung nais ng Top Rank.

Nakakontrata si Pacquiao sa Top Rank hanggang sa susunod na taon at dalawang laban ang kanyang tinanguan nang palawigin niya ang samahan nila ni  Arum.

Naniniwala si Arum na hahakot pa rin sa takilya ang ikalimang tunggalian dahil sa dagdag na drama na nakasentro sa pagba­ngon ni Pacquiao.

Pero hindi agad tiniyak ng beteranong promoter na selyado na ang tagisan dahil nakadepende rin ito sa kung gusto pa ni Marquez na harapin uli si Pacquiao at kung magkano ang nais na ibayad sa kanya.

“It depends on how much money Marquez wants to make,” wika ni Arum kay Marquez na tu­m­anggap ng hindi bababa ng $6 milyon kumpara sa halos $26 milyon na iuuwi ni Pacquiao.

Hindi naman mamada­liin ni Pacman ang usapin sa susunod niyang laban dahil ang mas mahalaga sa kanya ngayon ay makasama ang mahal sa buhay upang iselebra ang Kapaskuhan.

“I’m looking forward to a nice rest. Pahinga muna at saka na namin pag-usapan ang next fight,” pahayag pa ng Kongresista ng Sarangani Province.

Dalawang laban ang hinarap ni Pacquiao sa taong ito pero minalas siyang natalo sa nasabing mga sagupaan.

Unang sinagupa niya si Timothy Bradley na nanalo sa pamamagitan ng kontrobersyal na split decision upang mahubad sa Pambansang kamao ang hawak na WBO welterweight title.

Ang pangalan ni Bradley ay kasama rin sa posib­leng pagpilian, gusto din ng kanyang kampo na bigyan muna siya ng mas magaan na laban bago muling harapin si Marquez.

Ang Team Pacquiao ay umalis na ng Las Vegas at tumungo na sa Los Angeles. Mula rito ay lilipad sila pabalik ng Pilipinas at sa Miyerkules ng madaling araw ang kanilang pagda­ting.

Show comments