MANILA, Philippines - Kahit ang trainer ni Manny Pacquiao na si Freddie Roach ay nagulat sa ibayong lakas na ipinakita ni Juan Manuel Marquez.
Umani si Marquez ng 6th round knockout tagumpay laban kay Pacquiao na nangyari isang segundo bago natapos ang naturang round.
Isang matinding counter-right hook ang pinakawalan ni Marquez na nagresulta upang bumagsak sa lona na una ang mukha ng Pambansang kamao.
Bago ito ay isang suntok din ang pinakawalan ni Marquez sa ikatlong round at bumulagta si Pacquiao una ang likod.
Sa punch stats ng tagisan ay dominadong-dominado ito ni Pacquiao.
May 256-246 bentahe si Pacquiao sa pinakawalang suntok sa kabuuan ng laban at may 94-52 kalamangan sa mga patama.
May 26-11 kalamangan si Pacquiao sa mga tama sa jabs habang 68-41 naman ang bilang sa power punches pabor din sa 8-division world champion.
“I think he’s punching harder. Very strong, very physical,” wika ni Roach sa post fight press conference.
“Manny was fighting a good fight. He was really on top of that round and I didn’t know whether Marquez would survive that,” dagdag ni Roach na ang tinutukoy ay ang fifth round na kung saan pinatumba ni Pacquiao ang Mexican fighter gamit ang kaliwa at binasag pa ang ilong.
Masakit ang kabiguang ito pero sinabi ni Roach na hindi ito dapat magresulta para tuluyang magretiro si Pacquiao.
Aniya ay kakausapin niya ang Kongresista ng Sarangani Province upang alamin kung ano ang kanyang tunay na naisin at titignan din kung mayroon pang ilalabas bago pagdesisyunan kung ito na ba ang huling laban ni Pacquiao.
Sinabi naman ni Pacquiao matapos ang laban na magpapahinga muna siya pero babalik din sa pagsasanay para paghandaan ang mga labang haharapin sa susunod na taon.