76ers tinulungan ni Holiday sa panalo
PHILADELPHIA -- Umiskor si Jrue Holiday ng 26 points para tulungan ang Philadelphia 76ers na mawakasan ang kanilang three-game home losing kid mula sa isang 99-93 panalo laban sa Utah Jazz.
Nagdagdag si Jason Richardson ng 20 points para sa Philadelphia, nanggaling sa kanilang ikatlong dikit na pagkatalo sa Detroit, habang nag-ambag ng 14 si Thaddeus Young at 12 si Nick Young.
Natalo ang Sixers (5-4) sa dalawa sa kanilang five-game homestand sa Milwaukee at sa Detroit.
Pinangunahan naman ni Paul Millsap ang Jazz (4-6) sa bisa ng kanyang 22 points kasunod ang career-high 17 markers ni DeMarre Carroll at 15 ni Al Jefferson.
May 1-6 record ngayon ang Jazz sa labas ng Utah.
Isang 13-2 atake ang ginawa ng Philadelphia para kunin ang 84-73 kalamangan sa gitna ng fourth quarter bago gumanti ang Utah sa pamamagitan ng isang 9-2 ratsada para makalapit sa apat na puntos sa huling 2:53.
Isinalpak ni Holiday ang kanyang layup at tumipa ng isang jumper si Young para sa eight-point lead ng Sixers patungo sa kanilang tagumpay laban sa Utah.
Sa iba pang laro, pinataob ng Indiana ang Dallas, 103-83; naisahan ng Orlando ang Detroit, 110-106 at iginupo ng Oklahoma City ang New Orleans, 110-95; tinalo ng Golden State ang Minnesota, 106-98; at namayani ang Memphis sa New York, 105-95.
- Latest