ANGELES CITY, Philippines--Tuluyan nang inangkin nina Frédéric von Osten at Sophia Marie Reimers ng Germany ang Open men at open ladies wakeboard titles sa pagtatapos ng World Cable Wakeboard Championships kahapon dito sa Deca Wake Park.
Bagamat may 20.67 points sa Run 1 na nagbaba sa kanyang estado, bumangon naman si von Osten sa Run 2 mula sa kanyang 80.33 points para pamahalaan ang men’s competitions.
“I crashed in the first run so I was kind of confused if I got to do the second run like the first run. But I decided to start with Switch mob. It’s unbelievable. I’m really; really happy I got the title,” sabi ni von Osten.
Inagawan niya ng korona si Nick Davies ng Great Britain bilang bagong world men Open champion.
Bumawi rin si Reimers sa Run 2 at pinanood ang hindi magandang ipinakita ni title holder Kirsteen Mitchell ng Great Britain para angkinin ang Open ladies title sa six-day event na suportado ng Rixen Cableways, IWWF Wakeboard 2020 Vision, Smart, Gatorade, Deca Homes, Stoked Inc, RipCurl, Monster Energy Drink, Devant LED TV, Bacardi, Department of Tourism Region 3, Aktion Parks, Plus Event Marketing at inorganisa ng Eventking Corp.
Ipinakita ni von Osten, naghari sa nakaraang Tokyo World Cup, ang kanyang husay sa mga tricks para sa kanyang mga iskor na 82.00-80.00-79.00 sa run 2 at ungusan si Declan Clifford ng Great Britain.
Sumegunda si Clifford sa kanyang iskor na 74.67.
Ang 15-anyos namang si Korean Im San ay nakuha ng 70.00 sa run 1 at hinirang na kauna-unahang Asian rider na nakatuntong sa medal round.