Kulay pula!: Ikalawang 3-peat nakuha ni magsanoc
MANILA, Philippines - Umiskor ng bultuhan ang San Beda Red Lions sa kabuuan ng do-or-die Game Three tungo sa ‘di inaasahang 67-39 panalo laban sa nawala sa pormang Letran at angkinin ang 88th NCAA men’s basketball title na pinaglabanan kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Umabot sa 18,187 ang mga taong nanood sa inakalang klasikong tagisan ng dalawang paaralan na nanalo na ng tig-16 NCAA titles.
Pero walang kapaguran ang ipinakitang pag-atake ng Lions bukod pa sa paglatag ng matibay na depensa tungo sa one-sided na panalo.
“Ang inaasahan ko ay dikitan ang labanan at 4 to 6 points lamang ang magiging winning margin. But it’s the determination of the players that was seen in this game. What I did was just to guide them and it was not an easy game,” wika ni rookie Lions coach Ronnie Magsanoc.
Ito ang ikalawang 3-peat ng Lions sa huling pitong taon at sila na ang kikilalanin bilang winningest team ng pinakamatandang collegiate league sa bansa bitbit ang ika17 titulo.
“My hats off to San Beda. Pero maganda rin ang inilaro namin sa depensa. Pero nag-suffer ang offense namin in the process. But I’m proud of how we played this season since wala naman talagang nag-expect na nasa Finals kami,” wika ni Knights coach Louie Alas na nagdesisyon ng iwan ang koponang hinawakan sa loob ng 10 taon at binigyan ng tatlong titulo.
Malamig ang shooting ng Knights sa sudden-death na ito nang makagawa lamang ng 27% shooting clip sa 17 of 64. Kinatampukan ito ng 0 of 18 sa tres.
Si Caram na nasa huling taon ng paglalaro sa liga ay may 17 puntos, 5 rebounds, 2 assists at 1 steal sa 32 minutong paglalaro habang ang sophomore guard na si Amer ay may 14 puntos, 2 rebounds at 1 assists sa 28 minuto. Si Amer ang kinilala bilang MVP ng Finals.
Ang graduating na si Jake Pascual ay humakot din ng 10 puntos, 9 rebounds, 2 assists at 3 steals upang magkaroon ng makulay na pagtatapos ang kanyang NCAA career.
Binuksan ng Lions ang laro sa pamamagitan ng 6-0 at ito na ang hudyat ng mga runs na nakita sa kabuuan ng labanan.
Ang halftime score ay nasa 34-17 bago lumawig ito sa 20, 45-25, matapos ang 3rd period.
Magkasunod na tres nina Amer at Caram ang nagtala pinakamalaking bentahe sa laro na 31 puntos, 62-31 sa huling 3:28 ng laro. (AT)
San Beda 67 – Caram 17, Amer 14, J. Pascual 10, Adeogun 6, Dela Rosa 5, Koga 4, K. Pascual 4, Mendoza 2, Abarcar 2, Ludovice 2, Dela Cruz 1.
Letran 39 – Cruz 12, K. Alas 11, Cortes 6, Racal 3, Almazan 3, J. Alas 2, Almario 2, Belorio 0, Cudal 0. Quarterscores: 18-10, 34-17, 45-25, 67-39.
- Latest