Moral decadence
LUBHANG nakababahala na ang iniaasal ng ilang kandidato—mula sa pagsasabi ng mapanlait na salita sa mga kababaihan hanggang sa pagtrato sa mga babae nang walang respeto. Nauuso yata ngayon ang pagiging misogynist ng mga lalaking pulitiko.
Sa isang pangangampanya sa Urdaneta City, Pangasinan, isang senior citizen na babae ang tinawag sa entablado nina Urdaneta Mayor Rammy Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno at may ipinagawang bagay na maglalagay sa kahihiyan sa matanda.
Sinabihan si Lola na bibigyan siya ng mula P1,000 hanggang P5,000 kung hahagkan niya si Mayor. Kung minsan, may mga ganyang eksena tayong napanood sa mga noontime shows pero hindi ito katanggap-tanggap para sa akin. Lalo itong dapat kondenahin kung ang mga gumagawa nito ay mga kandidato para sa mataas na posisyon sa pamahalaan. Hindi dapat iboto ang mga taong gumagawa ng ganyang kabastusan.
Winawalan na ng respeto ang isang babae lalo pa’t ito’y matanda na nararapat igalang. Kaya naman mabilis na kinondena ito ng grupong Gabriela. Oo nga naman, mistulang isinubasta ang dangal ng matandang babae kapalit ng kaunting salapi. Itinuturing daw ng organizer ng campaign rally na ito’y charity.
Kung ito’y pangkawanggawa, dapat ibigay na lang ang tulong at huwag nang gawing katawa-tawa ang tutulungan. Gayunman, ilegal pa rin dahil ito’y vote buying! Hindi ba iyan iimbestigahan ng Comelec?
Nauna rito, isa pa ring kandidato sa lokal na position ang nagsabi sa kanyang talumpati na redi siyang sumiping sa sinumang single mother basta’t ang mga ito’y dinadalaw pa ng monthly period. Grabe! Ano na ang nangyayari sa moralidad ng mga tao?
- Latest