Pinas inaangkin na ng China?
IBA na ito mga friend. Totoo bang inaangkin na ng China ang buong Pilipinas partikular ang Palawan at Luzon? Kung totoo, nakapanghihilakbot iyan! At may mga maliwanag na indikasyon na totoo ito.
Sa isang Chinese blog sa social media, ito ang mensaheng nakasaad. Ang isla ng Palawan daw ay dati nang bahagi ng Ming Dynasty at ang pangalan nito noon pa ay Zheng He Island. Ito raw ay nasa pamamahala noong araw pa ng China. China raw ang nag-develop nito. Aba’y nananaginip yata ng dilat ang mga hunghang!
Hindi lang iyan. Pati Luzon ay bahagi raw ng China, anang mensahe ng Chinese blog at isang araw, ito raw ay kukunin muli ng China. Iyan ba ang dahilan kung kaya walang puknat na pumapalibot ang mga barkong pandigma ng China sa ating karagatan malapit mismo sa ating mga dalampasigan?
At maitanong ko lang—iyan din ba ang dahilan kung bakit may mga kongresista at ibang opisyal ng pamahalaan na hindi pumapalag sa ginagawang panggigipit at pang-aabuso ng China sa atin? May kongresista pa na lantarang sinabing “walang West Philippine Sea” na malinaw na pagkampi sa China.
Kaya magsuri tayong mabuti sa darating na halalan para sa mga mambabatas. Tiyakin na ang mga personalidad na ihahalal natin ay yung magtatanggol sa ating soberenya.
Sabagay hindi naman official statement iyan ng China at maaari itong itanggi ng nasabing bansa na nagbuhat sa kanila. Ngunit posible na ito’y bahagi ng kanilang propaganda na kapag pinaniwalaan ng mundo at magbibigay sa kanila ng rason para tuluyan tayong sakupin.
At may dahilan tayong hinalaing totoo ang balak na ito lalo pa’t may nadarakip na mga espiyang Intsik sa ating bansa na anumang sandali, puwedeng maging sundalo ng China na sasalakay kapag tumanggap ng go-signal sa kanilang pamahalaan.
- Latest