EDITORYAL - Tulungan, Pinay DH na nakapatay ng bata

Nararapat magtrabaho nang husto ang Depart­ment of Migrant Workers (DMW) para matulungan ang Pinay domestic helper na nakapatay umano ng ala­gang bata sa Kuwait. Ayon sa report, pinatay ng Pinay­ ang batang lalaki sa pamamagitan ng paglalagay sa washing machine. Narinig na lamang umano ng mga magulang ang pagsigaw ng bata kaya kaagad na sinaklolohan. Dinala sa ospital ang bata subalit na­matay din makaraan ang ilang oras. Inaresto ng mga pulis ang Pinay at umamin na umano ito sa nagawang krimen. Nakakulong na ang Pinay, ayon sa report.

Nakakakilabot ang ginawang pagpatay. Ganunman­ hindi naman ito kumakatawan sa ugali ng mga Pili­pinang domestic helper sa Kuwait. Ang nararapat gawin ng DMW ay pagkalooban ng abogado ang Pinay upang ganap na mabatid ang katotohanan at nagawa ang karumal-dumal na pagpatay. Sa paraan ng pagpatay ay makikita ang matinding galit. Nararapat mabatid ang pinag-ugatan ng lahat. Marami nang pangyayari na ina­abuso at ginagahasa ang mga Pinay DH sa Kuwait. Bagamat hindi naman dapat idinadamay ang batang inaalagaan kung ganito nga ang nangyari. Ang pagtatrabaho nang husto sa kaso ng Pinay ay dapat ipra­yoridad ng DMW. Kung hindi agarang matutulungan ang Pinay, maaring matulad siya sa kaso ni Flor Con­templacion na binitay sa Singapore dahil din sa pagpatay. Mabilis ang paglilitis kay Contemplacion at walang nagawa ang Ramos administration para maisalba ang kawawang domestic helper. Hindi dapat­ maulit ang pangyayari kaya dapat kumilos ang DMW para matulungan ang Pinay sa Kuwait.

Kung mapapatunayan na ginawa nga ng Pinay ang krimen at mahatulan ng kamatayan, ito na siguro ang tamang panahon para itigil ang pagpapadala ng domestic workers sa Kuwait. Mas maraming pangya­yari na napahamak ang mga Pinay DHs habang nag­ta­trabaho sa Kuwait. Ilang beses nang ipinatigil ang pag­papadala ng domestic helpers sa Kuwait dahil sa ma­sasama at karumal-dumal na pangyayari. Nagka­roon na ng kasunduan noong 2019 ang Pilipinas at Kuwait na puproteksiyunan ang mga manggagawang Pilipino, subalit hindi natupad at patuloy ang pagma­maltrato at pagpatay pa.

Noong 2017, pinatay si Joanna Demafelis at isinilid ang katawan sa freezer. Noong 2018, pinatay si Cons­tancia Dayag. Noong 2019, pinatay si Jeanelyn Villa­vende at noong 2021, ginahasa, pinatay at sinunog ng amo si Jullebee Ranara.

Mapanganib sa Kuwait at hindi maproteksiyunan ang mga Pinay DH. Maaring dahil sa pagmamalupit ay nasisiraan ng bait at nakagagawa ng karumal-dumal.

Show comments