Sa isang hindi pangkaraniwang insidente sa Tamil Nadu, India, isang debotong nagngangalang Dinesh ang nawalan ng kanyang iPhone matapos itong aksidenteng maihulog sa hundi o donation box ng Arulmigu Kandaswamy Temple sa Thiruporur.
Ayon sa tradisyon ng templo, anumang bagay na nahulog sa hundi ay itinuturing na pag-aari ng templo at hindi na maibabalik.
Habang nagbibigay ng donasyon sa hundi, biglang dumulas mula sa kanyang bulsa ang mamahaling iPhone ni Dinesh. Agad niyang ipinaalam ang insidente sa mga opisyal ng templo at umaasang maibabalik ang kanyang cell phone.
Gayunpaman, ang sagot ng mga opisyal ay malinaw: ang lahat ng nalalagay sa hundi, maging aksidente man o hindi, ay itinuturing na alay sa Diyos.
Nagdesisyon si Dinesh na maghain ng reklamo sa Hindu Religious and Charitable Endowments (HR and CE) department upang subukang mabawi ang kanyang iPhone.
Sa pagbubukas ng hundi makalipas ang ilang linggo, dumalo si Dinesh ngunit bigo pa rin siyang mabawi ang kanyang cell phone. Pinayagan lamang siyang kunin ang SIM card at i-download ang mahahalagang datos mula sa kanyang device.
Ang insidente ay nagdulot ng iba’t ibang reaksIyon mula sa publiko, partikular sa social media. Marami ang natatawa ngunit may ilan ding naniniwalang hindi patas ang naging desisyon ng templo. May mga nagbiro pa na “Paano kung ilagay ang utang sa hundi? Aakuin kaya ito ng templo?”
Ipinaliwanag ni PK Sekar Babu, Ministro ng HR and CE, na ang patakaran ay nakaayon sa Installation, Safeguarding, and Accounting of Hundial Rules, 1975.
Ayon dito, anumang inialay sa hundi ay hindi maaaring ibalik sa orihinal na may-ari. Subalit sa ilang kaso, may temple board na nagbibigay ng alternatibong solusyon.
Halimbawa, sa isang insidente noong 2023, isang babae ang nakatanggap ng bagong gintong kuwintas mula sa personal na pondo ng isang templo matapos malaglag ang kanyang alahas sa hundi.
Ang insidente ni Dinesh ay nagsisilbing paalala hindi lamang sa mga deboto kundi pati na rin sa mga templong may mahigpit na tradisyon.
Sa kabila ng pagkawala, ang insidente ay nagbukas ng diskusyon ukol sa balanse ng tradisyon, hustisya, at modernong mga pangangailangan.