MARAMING opisyal ng pamahalaan ang nabiktima ng paninira sa Dengvaxia sa panahon ni Presidente Digong Duterte. Natakot tuloy ang publiko sa bakuna. Kaya suma-total, marami ang namamatay sa dengue taun-taon. Ito ay bunga ng kawalan ng vaccine. Klarong paninira ito sa bakuna at ilang government officials at doktor. Isa sa mga nadiing may kasalanan ay si Congresswoman Janette Garin, dating Health Secretary ni President Noynoy Aquino.
Ang nangyari noon ay batay daw sa konklusyon ng mga eksperto kuno. Isang pangunahing personalidad na nag-ingay sa issue ay si Dr. Erwin Erfe. Walang kredibilidad si Erfe dahil hindi siya pathologist. May tunay na eksperto at ito ay si Dr. Raymundo Lo. May sinumpaan at isinumiteng affidavit si Dr. Lo sa korte noong September 2018.
Si Lo ang tunay na dalubhasa at board certified sa Anatomic and Clinical Pathology. Kinikilala siya maski sa Amerika. Sabi mismo ni Dr. Lo, batay sa pagsuri niya sa kredensiyal ni Erfe, hindi ito pathologist at hindi nagkaroon ng karampatang training sa larangang ito. Ano ang kredensiyal ni Erfe para gumawa ng final conclusion na ang mga batang namatay noon ay bunga ng vaccination ng Dengvaxia? Wala!
Nagulat din daw si Dr. Lo sa pamamaraan ng pag-awtopsiya sa mga namatay dahil pati mga miyembro ng media ay inanyayahang panoorin ito. Aniya, “As pathologists, we have been taught to strictly observe confidentiality of the autopsy process and respect the mortal remains of the patient.” Isa pa, mahigpit na ipinagbabawal ang pagmimiron ng ‘di awtorisadong tao sa autopsy dahil sa panganib na ang mga virus sa bangkay ay makahawa.
Ayon kay Dr. Lo ang konklusyon ng forensic team ni Erfe ay isang malaking pagkakamali. Para sa akin, higit na matimbang at makatotohanan ang opinyon ng isang dalubhasa tulad ni Dr. Lo. Kaya ngayon, wala tayong bakuna na panlaban sa dengue na taun-taon nang nananalasa sa ating bansa. At iyan ay dahil lang sa maling konklusyon ng hindi naman eksperto ngunit agad pinaniwalaan ng tao.