EDITORYAL - Daming pulubi, kilos DSWD!

Kahit hindi Pasko, maraming nagpapalimos sa kalye. May mga bata at matanda na sumasampa sa mga pampasaherong jeepney at nag-aabot ng nanlilimahid na sobre. Karaniwan sa mga sumasampa ay mga lalaki at babaing Badjao. Mayroong nagtatambol habang pinamudmod ng kasamang bata ang mga sobre. Ipapatong ito sa kandungan ng mga pasahero. May mga pasaherong nagsisilid ng barya sa sobre at meron ding hindi pinapansin ang nakapatong na sobre. Pagkatapos kolektahin ng bata ang mga sobre ay bababa na ito at lilipat sa iba pang dyipni. Mayroong tatalon kahit tumatakbo ang dyipni. Lubhang nakakatakot ang ginagawa ng mga pulubing Badjao sapagkat maaring mahulog at masagasaan ng kasunod na sasakyan.

Hindi lamang mga Badjao ang namamalimos sa kalye kundi marami pa. May namamalimos na nakasakay sa wheelchair at kapag tumigil ang mga sasakyan dahil sa trapik ay saka isa-isang lalapitan at kakatukin ang bintana ng mga kotse. Bukod sa mga naka-wheelchair, may mga ama o ina na may kargang sanggol at namamalimos. Kinakatok ang mga bintana ng sasakyan at isinasahod ang kamay na nanghihingi ng limos.

Ngayong papalapit na ang Pasko, tiyak nang ­dadagsa pa ang mamamalimos sa mga kalsada sa Metro Manila. Daragdag ang mga Aeta na ang ginagawang tirahan ay ang silong ng LRT at MRT. Meron ding nasa center island ng mga pangunahing kalsada at nagpapalimos sa mga dumaraang motorista.

Maraming nagtatanong kung dapat bang maglimos sa mga pulubi. Hindi dapat.

Sa ilalim ng Presidential Decree 1563 o Mendicancy Law, bawal ang maglimos sa mga pulubi. Ang lalabag sa batas ay mapaparusahan ng apat na taong pag­kakabilanggo at pagmumultahin ng P1,000.

Sa paglipana ng mga pulubi sa maraming lansangan ng Metro Manila, tila hindi na ito napapansin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Wala ba silang plano kung paano aalisin sa kalye ang mga namamalimos at dalhin sa isang pasilidad o kaya’y pauwiin sa kani-kanilang mga probinsiya. Kapansin-pansin na mula nang magluwag matapos ang COVID-19 pandemic, nagdagsaan ang mga namamalimos. Hindi lamang dumoble kundi naging triple.

Kamakalawa, nanawagan ang DSWD sa publiko na ipaalam sa kanila kung may makikitang namamalimos sa mga kalsada lalo na ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan. Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao na tawagan ang DSWD hotline 89319141 ay ipagbigay alam ang mga makikitang namamalimos sa sa kalye.

Bakit kailangang ang publiko pa ang magbigay-alam sa DSWD. Bakit hindi lumabas sa kanilang opisina ang mga DSWD officials at nang makita ang mga ­naglipanang namamalimos sa kalye. Kumilos kayo DSWD!

Show comments