Asthma (Part 2)
Ito ang karugtong ng mga dapat gawin para mabawasan ang atake ng asthma o hika:
1. Buksan ang bintana sa kusina. Ang matinding amoy ng pagkain ay puwedeng pag-umpisahan ng hika. Nakaiirita ang usok at amoy ng nilulutong sibuyas, bawang at pritong pagkain.
2. Maglinis ng bahay. Ang allergy ay nanggagaling sa mga dust mites, isang insekto na laganap sa ating bahay. Labahan kada isang linggo ang bedsheet, unan at kumot. Ibilad ang mga ito sa araw.
3. Umiwas sa lahat ng usok. Bawal na bawal ang usok at sigarilyo. Ipaalam sa lahat ng kamag-anak at kaibigan na bawal ang sigarilyo sa iyo. Umiwas din sa usok ng mga sasakyan.
4. Kumain ng prutas at gulay na nagpapalakas ng ating ugat at baga. Damihan ang pagkain ng dalandan, orange, mansanas, suha, ubas at blueberry. Puwede ring uminom ng Vitamin C tablet 500 mg kada araw.
5. Kumain ng mga isda na mataas sa omega-3 fatty acids, tulad ng sardinas, tunsoy, tamban, alumahan, hasa-hasa, tuna at tanigui.
6. Kapag inaatake ng hika, subukan uminom ng matapang na kape o black coffee. Ang caffeine ay parang gamot na theophylline.
7. Umiwas sa softdrinks at vetsin. Puwede itong magpasimula ng hika.
8. Mag-ingat sa sobrang lamig o sobrang init na panahon. Baka mag-trigger ng hika ito. Dapat ay katamtaman lang ang temperatura.
9. Mag-ehersisyo ng 3-5 beses bawat linggo. Subukang palakasin ang mga braso, dibdib at likod para lumakas ang masel sa paghinga.
10. Gamitin ang tiyan sa paghinga. Dalawang paraan ang paghinga. Ang una ay ang paggamit ng dibdib. Ang pangalawa at mas epektibo ay ang paggamit ng tiyan. Humiga sa kama at ilagay ang kamay sa ibabaw ng tiyan. Sa iyong paghinga, dapat ay tataas ang kamay mo sa tiyan pero hindi tataas ang iyong dibdib.
10. Maghugas palagi ng kamay. Umiwas sa virus at bacteria. Kapag ikaw ay tinamaan ng sipon at ubo, puwedeng sumabay ang atake sa hika.
11. Gumamit ng aircon kung may sapat na pera.
12. Kapag madalas ang atake ng hika, magpatingin agad sa doktor. May mga taong nadisgrasya na dahil pinabayaan ang kanilang nararamdaman.
- Latest