GUSTO ko pong ikuwento sa inyo ang isang napakagandang selebrasyon na naganap kamakailan.
Pinangunahan namin ni Cong. Luis Campos, kasama sina Vice Mayor Monique Lagdameo, Cong. Kid Peña, at ang ating mga konsehal, ang pagdiriwang ng World Teacher’s Day sa Makati Coliseum.
Kasama namin ang mahigit 1,650 na mga guro at non-teaching personnel na nakiisa sa espesyal na Teacher’s Day Caravan.
Talagang nakakatuwa na makita ang kanilang ngiti at saya habang tumatanggap ng iba’t ibang libreng serbisyo mula sa lungsod, tulad ng ultrasound, ECG, X-ray, mga gamot at vitamins.
Handog din namin ang libreng haircut, massage, at reading glasses. Bawat isa ay may teacher’s kit din na naglalaman ng bagong rubber shoes, jacket, payong, medyas at tote bag.
Alam kong maliit na bagay lang ang mga ito kumpara sa laki ng sakripisyo at dedikasyon na ibinibigay nila araw-araw para sa ating mga kabataan.
Sa totoo lang, ang ating mga guro ang mga tahimik na bayani ng ating bayan. Sila ang nagsisilbing gabay at nag-aalaga sa mga kabataan, tinutulungan silang abutin ang kanilang mga pangarap.
Kaya para sa akin, napakahalaga na mabigyan natin sila ng nararapat na pagkilala at suporta—hindi lang tuwing Teacher’s Day, kundi araw-araw.
Nakakataba ng puso na maging bahagi ng isang komunidad na tunay na nagpapahalaga sa ating mga guro. Kaya’t muli, maraming salamat po sa ating mga guro, sa pagmamahal at tiyaga ninyo para sa edukasyon ng ating mga kabataan.
Lagi kaming nandito para sa inyo, upang tiyaking maipagpapatuloy natin ang magandang trabaho na ginagawa ninyo para sa bayan.
Maraming salamat po, at mabuhay ang ating mga guro!