Umpisa na ng 2025 elections
KAHAPON nagsimula ang filing ng certificate of candidacy (COC) ng mga tatakbo para sa 2025 elections. Magtatapos ito sa Oktubre 8, 2024. Kahapon, maingay ang mga supporters ng mga kandidato. Ang mga iluluklok sa puwesto ay 12 senador, congressman, governor, mayor, vice Mayor at sangguniang bayan. Hindi nagpabaya ang PNP sa simula ng filing ng COCs kahapon. Mahigit 1,000 pulis ang ikinalat para sa pagbibigay ng seguridad. Naging mapayapa ang unang araw ng filing ng COC.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, lahat nang Pilipinong nakarehistro sa kani-kanilang barangay ay puwedeng tumakbo sa kahit anong puwesto. Basta kuwalipikado sa mga requirement na nakasaad sa election code.
Ngayong umpisa ng filing ng COC, dapat magtrabaho nang todo ang Comelec sa pagsuri ng mga COC upang hangga’t maaga pa lang ay mabura na sa listahan ang mga hindi kuwalipikado. Maraming nagpa-file na hindi naman sumusunod sa tuntunin kaya dapat silang walisin. Merong mga tinatawag na nuisance candidates o ‘yung mga pampagulo lang.
Isang napansin ko, marami ngayon ang tumatakbo na halos buong pamilya na at sa iisang partido lamang. Puwede ba ito? Dapat siguro ay magkaroon ng batas ukol dito.
Halimbawa na lamang ay sa Capiz. Mayroon ditong tumatakbong mag-asawa para sa pagka-mayor at vice mayor. Mayroon ding magkapatid sa parehong posisyon? Grabe ito? Nasaan ang delikadesa rito?
Kapag naupo na ang mag-asawa o magkapatid, tiyak gagamitin nila ang kapangyarihan para mawaldas ang salapi ng bayan. Kawawa ang mamamayan. May magagawa ba ang Comelec ukol dito? Abangan!
- Latest