Isang 58-anyos na ginang sa Ontario, Canada ang nahaharap sa kasong “assault with a weapon” matapos nitong aksidenteng “mabaril” ang kanyang kapitbahay gamit ang isang water gun!
Noong Setyembre 1, nagkaroon ng maliit na salu-salo sa bakuran ni Wendy Washik kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan. Upang malibang ang mga batang bisita, nakipaglaro si Wendy sa mga ito gamit ang water gun.
Habang nakikipaghabulan sa mga bata at nakikipagbasaan gamit ang watergun, aksidenteng natamaan ni Wendy sa dibdib ang kanyang kapitbahay na lalaki na nagdadamo sa bakuran nito. Nabasa ang lalaki.
Agad humingi ng paumanhin si Wendy sa kanyang kapitbahay ngunit pinagsisigawan siya nito. Ang akala ni Wendy ay lumipas na ang galit sa kanya ng kapitbahay pero nagulat siya na tumawag pala ito ng pulis.
Ini-report siya nito sa kasong “physical assault with a weapon”. Nalaman niya ang reklamo sa kanya nang puntahan siya ng Ontario Provincial Police officers para sabihan siya na may isinampang kaso laban sa kanya.
Ang ikinaiinis ni Wendy at ng kanyang pamilya ay hindi na nag-imbestiga pa ang mga awtoridad at hindi hiningi ang panig nila tungkol sa kaso. Ayon pa rito, hindi man lang inusisa at tiningnan ng mga pulis kung anong “weapon” ang ginamit niya at basta na lang nagsampa ang mga ito ng kaso.
Nakaapekto ang kasong ito sa trabaho ni Wendy bilang educational assistant sa isang pampublikong paaralan. Dahil sa kinahaharap niyang kaso, sinabihan siya ng kanyang superior na hindi siya muna maaaring pumasok sa trabaho hangga’t hindi ito nase-settle.
Ngunit problema rin kay Wendy ang pagresolba sa kasong ito dahil wala siyang pera para makakuha ng abogado. Naisipan ng kanyang pamilya na magsagawa ng online fundraising gamit ang website na “GoFundMe” para makakalap sila ng pera na ibabayad sa abogado.
Maraming naawa kay Wendy at nakatanggap agad sila ng donasyon na 12,000 Canadian dollars. Pero nang malaman ng pamunuan ng “GoFundMe” na isang criminal charge ang kinahaharap ni Wendy, agad nilang sinuspinde ang fundraising para rito.
Nakatanggap ng suporta si Wendy mula sa iba nilang kapitbahay at nananawagan sila sa mga awtoridad na iurong ang kaso nito. Samantala, lumipat ng ibang online fundraising platform ang pamilya ni Wendy at nakakalap na sila sa ngayon ng 5,770 Canadian dollars.