Maiitim ang buto nila; gobyerno dapat purgahin
ISASARA sa taon na ito ang lahat ng offshore gaming operations. Pero tiyak magpapatuloy ang kataksilan, katiwalian at kapabayaan sa gobyerno.
Sinamantala lang ng mga taksil, tiwali at pabayang politiko at burokrata ang mga pasugalang Chinese. Kaya maski wala na ang mga ito ay hahanap lang sila ng ibang mararaket. Ilang mga ehemplo:
l Papupuslitin pa rin ng Bureau of Immigration ang Chinese gangsters. Maski nilantad na sa Senado ang “pastillas scam”, patuloy ang pagkikil ng Immigration officers mula sa dayuhan.
l Dadagsa pa rin ang Chinese exchange students. Iisyuhan pa rin sila ng college permits ng Commission on Higher Education. Nanunuhol ang mga espiya na ito. Tumutungo sila sa Cagayan kung saan may mga nagsasanay na sundalong Amerikano. Malapit ang Cagayan sa Taiwan na balak lupigin ng Beijing.
l Bibigyan pa rin ng retirement visas ang mga Chinese maski edad-30-35 lang. Mahigit 300,000 Chinese ang pinaboran ng Philippine Retirement Authority nu’ng panguluhan ni Rody Duterte. Pero hindi pa rin busog ang mga kawatan doon.
l Magbebenta pa rin ng pekeng birth certificates ang mga municipal registrars. Laganap ang ganu’ng raket sa Davao. Pinalalabas sa certificates na Pilipino ang mga Chinese.
l Maraming pulis pa rin ang magbebenta ng baril sa dayuhan, at magba-bodyguard sa VIPs.
Hindi sapat na ibawal ang mga pasugalan. Kailanggang purgahin ang mga taksil, tiwali at pabaya. Talamak na ang pagkaganid nila. Mabuti pa ang linta: kusang bumibitiw kapag busog na sa dugo. Ang mga pulitiko at burokrata ay walang kabusugan.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest