^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Ibawal, paliligo sa baha at estero

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Ibawal, paliligo sa baha at estero

Nang bumaha noong Hulyo 24 sa Metro Manila dahil sa habagat at Bagyong Carina, maraming naligo sa bahang kalsada. Hindi lamang mga bata ang tuwang-tuwa na naligo kundi pati mga matatanda man. Hindi na nila inisip ang panganib na kahaharapin sa paliligo sa baha.

Kinabukasan, Hulyo 25, hindi pa lumiliit ang baha sa underpass ng Quezon Blvd. sa Quiapo at mistulang swimming pool. Maraming bata at matanda ang dumayb sa lampas taong tubig. Sinasamantala nila na malalim pa ang tubig at libreng makalalangoy. Ang nasabing underpass ay umapaw din noong 2009 nang manalasa ang Bagyong Ondoy.

Ang paliligo sa baha ay noon pa ginagawa ng mga tao lalo sa Metro Manila. Wala silang pinangingilagan. Bahala na kung ano ang mangyari. Basta ang iniisip nila ay makapag-enjoy sa paglangoy sa baha.

Hindi rin lamang sa baha naliligo ang mga tao kundi pati na rin sa estero na umaapaw sa basura. Walang takot kung lumangoy at sumisid kapiling ang iba’t ibang basura at dumi.

Dalawang linggo makalipas ang baha na nilikha ng habagat at Bagyong Carina, dumagsa sa National Kidney Institute at San Lazaro Hospital ang mga taong may sintomas ng leptospirosis. Napuno ng pasyente ang dalawang hospital na sa huling report ay may 2,115 na kaso. Patuloy pang tumataas ang kaso ayon sa Department of Health (DOH).

Ang pagdami ng kaso ay nakaalarma kay DOH Secretary Ted Herbosa sapagkat mas maraming di-hamak ang lepto cases ngayon kaysa noong naka­raang taon. Apat na rin ang namamatay sa sakit.

Sa nangyayaring pagtaas ng bilang ng kaso ng lepto, sinabi ni Herbosa na hihilingin niya sa mga lokal na pamahalaan na magpasa ng isang ordinansa na mahigpit na magbabawal sa paliligo sa baha. Kung may ordinansa, hindi na raw darami ang kaso ng lepto at hindi na mahihirapan ang DOH na tugunan ang mga kaso ng leptospirosis.

Ayon kay Herbosa, maiiwasan naman ­ang leptos­pirosis kung hindi maliligo sa baha. Ang baha ayon kay Herbosa ay kontaminado ng ihi ng daga at iba pang hayop. Halu-halo na aniya ito sa baha na pinag­liliguan ng mga bata at maski matatanda. Ayon pa sa DOH chief, magpapasaklolo na rin sila sa Metro Manila Development Authority (MMDA) para ipagbawal ang paliligo sa baha. Hihikayatin din niya ang MMDA na siguruhin na nakokolekta ang mga ­basura na pinamamahayan ng mga daga.

Sana, mapahinuhod ng DOH ang LGUs at MMDA na tulungan sila sa problema. Ibawal ang paliligo sa baha at maski sa estero.

vuukle comment

METRO MANILA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with