EDITORYAL — Basura at leptospirosis
MALAKI ang kaugnayan ng basura sa leptospirosis. Ang dalawa ay magkasama kapag bumabaha lalo na sa Metro Manila. Nang bumaha noong Hulyo 24, 2024 sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya, maraming basura ang lumutang at lalong pinalubha ang baha sapagkat bumara ang mga ito sa pumping stations. Sinira ng basura ang pumping stations sa Malabon at Navotas kaya lumubha ang baha na naihalintulad sa nangyari noong 2009 na nanalasa ang Ondoy.
Perwisyo ang basura. Bukod sa nagdudulot ng pagbaha, dito rin nakikinabang ang mga daga na naghahatid naman ng nakamamatay na leptospirosis. Dahil maraming basura na itinapon ng mga walang disiplinang mamamayan, dumami rin ang mga daga. Makikita ang mga daga na nagpipista sa tambak ng basura sa mga kanto sa maraming lugar sa MM. Tambak din ang mga basura sa estero at kanal. Kung nasaan ang mga basura, naroon din ang mga daga. At kung maraming daga, marami rin ang iniiwan nilang ihi at dumi na humahalo sa baha.
Kapag lumusong sa baha ang taong may sugat sa paa at binti, papasok dito ang virus leptospira at sisirain ang mahalagang organ ng katawan partikular ang kidney. Dalawang linggo makaraang makapasok sa sugat ang virus, mararamdaman na ang mga sintomas gaya ng lagnat, pananakit ng kasu-kasuan at ulo, hindi makaihi at kulay kape ang ihi.
Dalawang linggo makaraan ang pagbaha na dulot ng habagat at Bagyong Carina, naglitawan ang mga maysakit na leptospirosis. Marami ang isinugod sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City at sa San Lazaro Hospital sa Maynila.
Nasa mahigit 70 pasyente ang naka-admit sa NKTI at may mga dumarating pang pasyente. Humiling ang NKTI sa Department of Health (DOH) na dagdagan ang nurses at doktor.
Kinakapos naman ng gamot at kulang din ang nurses sa San Lazaro Hospital dahil sa pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng may leptospirosis. Nasa 60 na ang mga pasyenteng may leptospirosis sa nasabing ospital at inaasahang madaragdagan pa.
Basura ang dahilan ng lahat. Kung naging maayos ang pagtatapon ng mga basura, hindi magkakaroon ng baha at wala ring maninirahang daga. Malaking aral ito sa lahat na dapat maging disiplinado sa pagtatapon ng basura. Ang paglilinis sa kapaligiran ay nararapat na panatilihin para walang manirahang mga daga na nagdudulot ng mga sakit, partikular ang leptospirosis.
Nagsisimula pa lamang ang mga pag-ulan at tiyak magkakaroon pa ng mga pagbaha. Mag-ingat ang lahat kung lulusong sa baha. Bantayan ang mga bata na ginagawang swimming pool ang baha na kontaminado ng ihi ng daga.
- Latest