Panahon ng barbaro
May nabigong tangkang pagpatay kay Republican Presidential candidate at dating U.S. President Donald Trump. Naganap ito sa isang campaign rally sa Pennsylvania kahapon. Nakita ito sa footage ng television. Umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril at hindi namalayan ni Trump na may umaagos na dugo sa kanyang pisngi.
Tinamaan ang kanyang taynga at hindi napuruhan. Salamat sa Diyos. Sa kasamaang palad, may isang inosenteng mamamayan ang tinamaan ng bala at namatay at dalawang iba pa ang sugatan.
Bumabalik ba tayo sa madilim na panahon ng mga barbaro na ang pagpatay at paggamit ng dahas ay ipinaiiral ng mga hayok sa kapangyarihan? Iisipin ng iba, puwedeng pakana ito ng Democrats upang manalo ang kanilang Presidential timber pero masyadong maaga pa para humusga.
Puwedeng kagagawan ito ng ibang sektor na nais siraan ang kredibilidad ng eleksyon sa U.S. Pero ano man ang motibo, nakaririmarim at napakarumi nito. Sabagay, marami nang kaso ng asasinasyon sa U.S. na ang mga napapatay ay Presidente pa.
Mas mapalad tayo sa Pilipinas dahil walang nangyaring pagpatay sa nakaupong Presidente. Sinasabing ang pagbagsak ng eroplanong sinasakyan ni President Ramon Magsaysay noong 1957 ay sinadya ngunit hindi napatunayan.
Pero ang pagpatay ay madalas mangyari sa mga media men at mga opisyal ng pamahalaan na mababa ang ranggo.
Ngunit Presidente man o ordinaryong tao ang biktima, ito’y isang buktot na pangyayaring hindi dapat maganap.
“Let there be peace on earth and let it begin with me,” sabi ng awitin.
Hangga’t may naghaharing galit sa puso nang marami, ang intensiyong pumatay ay palaging naririyan. Isipin natin ang halaga ng kapayapaan, hindi lang para sa ating sarili kundi para sa susunod pang henerasyon.
- Latest